“Tuloy pa rin ang trabaho” – Gob. Panlilio
Siyudad ng San Fernando, Pampanga – Katulad ng isang ordinaryong empleyado ng pamahalaan, sinimulan ni Gobernador Eddie Panlilio ang kanyang araw ngayon sa pagsakay ng pampasaherong dyip papunta sa Kapitolyo dito sa siyudad.
Sumakay si Among Ed ng dyip kaninang ganap na 7:15 ng umaga mula sa Unibersidad ng Assumption, kung saan siya pansamantalang tumitigil. Pagbaba sa may harapan ng Cathedral ng siyudad ay naglakad ang gobernador papunta sa mga nakapilang dyip na patungo naman ng Kapitolyo sa barangay Sto. Nino.
Pinatunayan ni Among Ed na hindi mahahadlangan ng kawalan ng pondo ang kanyang patuloy na pagtupad sa kanyang mga gawain bilang Punong Ehekutibo ng lalawigan. Sa kabila ng panganib na maidudulot nito sa kanyang seguridad, minabuti ng gobernador na mag-commute papunta sa kanyang opisina.
Nahaharap ngayon ang Opisina ng Gobernador sa kawalan ng pondo para sa gasolina at paubos na rin ang lahat ng alokasyon para sa Operating Expenses ng nabanggit na opisina. Hindi inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang hinihingi ng gobernador na Supplemental Budget na isinumite sa SP noon pang ika-21 ng Abril taong kasalukuyan.
Ang pagkaubos ng pondo ng governor’s office (GO) sa loob lamang ng anim na buwan sa taong ito ay dahil sa pagtustos nito sa operating expenses ng apat na units na kailangang patuloy na umandar sa kabila ng kawalan ng pondo.
Matatandaang hindi binigyan ng pondo ng SP ang apat na units o opisina na nasa ilalim ng governor’s office para sa taong kasalukuyan. Ang mga units na ito ay ang Arts, Culture and Tourism Office of Pampanga (ACTOP); Provincial Information Office (PIO); Management Information System (MIS); at ang Biyaya a Luluguran at Sisikapan (BALAS) na siyang nagmomonitor sa operasyon ng quarry sa probinsiya.
Hindi rin binigyan ng kaukulang pansin ng SP ang hiling kamakailan lamang ng gobernador para sa isang special session upang ipagtanggol ang pangangailangan sa badyet ng kanyang opisina. Ayon sa SP, hindi “urgent” ang usaping ito para tumawag ng special session.
Monday, September 1, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment