Reprinted from the May 5, 2009 issue of Pilipino Star Ngayon
Hinirang sila ni GMA hindi para magsilbi
SAPOL Ni Jarius Bondoc Updated May 05, 2009 12:00 AM
Kapansin-pansin ang dumi sa paghirang ni Gloria Macapagal Arroyo sa mga opisyales ng gpbyerno. Hindi niya pamantayan ang galing o gana ng appointee na magsilbi sa bayan. Ang batayan niya ay ang pagbabayad ng utang pampulitika, na ang kapalit ay pansariling interes ng in-appoint. Halimbawa si Angelo Reyes, na dahil sa pagtiwalag bilang AFP chief sa ilalim ni Joseph Estrada nu’ng Enero 2001 ay naging Presidente si Arroyo. Nakaka-apat na puwesto na si Reyes sa Gabinete: defense, interior, natural resources, at ngayon energy. Lahat pinalpak niya. Ni hindi niya masaway ang masisibang oil companies sa overpricing ng gasolina. Halatang hindi na siya gusto ni Arroyo, pero hindi maalis dahil nagbabayad-utang pa.
Ehemplo rin ang pagpuwesto kay Bong Villafuerte bilang executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission. Tatlong beses nang pinangalanan si Villafuerte sa congressional inquiries na jueteng lord sa Camarines Sur. At isang syndicated felony ang illegal numbers game. Pero dahil loyalistang presidente ng Kampi party ni Arroyo ang tatay ni Bong na Rep. Luis Villafuerte, hayun at hinirang siya sa puwestong hindi dapat sa kanya. Aba’y umiikot ngayon si Villafuerte na kasama ang mga taong armado, animo’y alagad ng batas tulad ng AFP at PNP. Hindi kaya ni Arroyo sawayin ang mga umaabusong appointees. Ikinuwento ni Ramon Tulfo na nu’ng magkaibigan pa sila nina GMA at First Gentleman Mike Arroyo, malimit niya isinu sumbong sa Presidente ang mga tuwali at pabaya. Ang parating sagot sa kanya ni Arroyo ay, “E di pagsabihan mo.” Papano naman sasawayin ni Mon ang mga opisyales, e outsider siya at si Arroyo ang nag-appoint sa kanila?
Ni hindi kaya ni Arroyo sumibak ng opisyal na sa palagay niya’y nabayaran na niya ng utang pampulitika. Kadalasan nagugulat na lang ang opisyal dahil may ibang nakaupo sa mesa niya pagpasok sa opisina. O kaya, sa pahayagan lang niya malalaman na sinibak na pala siya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment