mula kay: dugong kapampangan
Ilang araw na lamang po at eleksyon na naman sa ating bansa. Ito ay isang pagkakataon para pumili tayo ng mga karapat dapat na mamuno at magbigay na magandang ehemplo para sa mga susunod na henerasyon.
Sana po ay natuto na tayo na ang pagbabago ay hindi nagsisimula sa mga liders na ating iboboto, ito ay nagsisimula sa ating mga mamamayan dahil tayo ang nagbibigay sa kanila ng pagkakataon para makapagsilbi. Paalala lamang po, pag sila po ay ating hinalal at pinalad hindi po ibig sabihin na AMO natin sila. Tayo ang kanilang AMO, tayo ang dapat nilang pagsilbihan, dahil tayong mga nagbabayad ng buwis sa gobyerno ang nagpapasahod sa kanila. Huwag tayong tumabi sa kalye pag NAGWANGWANG (alarm) ang kanilang mga Pajero, Landcruiser, Expedition, Safari para patabihin tayo. Diyos ko! nabili na ba nila ang kalsada? Bawasan naman ang angas kapatid, hindi po inyo ang kalsada. Sa ating lahat ito!
Isa pa po ang survey polls na pampagulo sa Eleksyon sa ating bansa. Huwag po tayong maniwala sa survey lalo na kung iilang tao lamang kanilang nakausap. Napakalaki po ng ating bansa para irepresenta ng 2,000 dalawang libong kataong nabigyan ng survey. Iboto natin yung sa tingin natin na makapagbabago ng ating pamahalaan, hindi yung porket maraming komersyal sa t.v, radyo at dyaryo ay iboboto na natin. Sa kasamaang palad, ito ang nangyayari sa kasalukuyan. Kung mapapansin niyo ang mga senador natin sa kasalukuyan eh pwedeng pwede na silang magshooting ng pelikula. ANO BA NAMAN YAN! Marami po ang naghahangad na matino at nasa puso ang pagsilbi sa ating mga mamamayan ang hindi siniswerte dahil wala silang pambayad sa t.v at pambayad sa gumagawa ng posters at streamers.
Wala na ba tayong makikitang mga liders na tulad nila Salonga, Ninoy, Flavier at Joker? Isa pang uso, mga pinapalad sa politika ay madalas galing sa mga kilalang pamilya o anak ng dating politikong magaling. Ito ang tinatawag nating political dynasty na usong uso sa atin. Paalala lang po, hindi po lahat ng bunga ng puno ay tulad ng pinanggalingan. Magsuri po tayong mabuti dahil sa Mayo 10, 2010 ay isa na namang pagkakataon para sa atin upang mapagbago natin ang kasalukuyang sistema ng gobyerno. Huwag po nating sayangin ang ating boto, tutal pipila na rin naman tayo sa mga presinto edi panindigan na natin at habaan ang ating pasensya sa pagpili ng dapat iboto.
Dito po sa Pampanga marami ang nagsasabi na si Gov Panlilio ay dapat ng palitan dahil wala naman syang nagawang mabuti at si Nanay Baby ang solusyon sa maraming problema ng probinsya pero marami rin ang nagsasabi na dapat ibalik sa pwesto si Panlilio dahil umunlad daw ang Pampanga sa kanyang pamumuno. Alam nyo po, kanya kanyang tauhan lang yan. Syempre pag kasangga mo dapat maganda ang sasabihin mo at pag kalaban naman dapat wala ng ginawang tama. Pero ito po ay mga kwentong kutsero lamang, ang pinaka magandang gawin natin ay kilalanin natin ang lahat ng naghahangad makapwesto sa pamahalaan.
Huwag din po tayong masilaw sa mga katagang Boses ng Kababaihan!(Pano naman ang Kalalakihan?), Alkalde ng Masa!(Pano naman ang mga negosyante?), Ituloy ang Serbisyo!(Ano na ba nagawa mo?), Sandigan Mo Ako!(Pagkatapos ng eleksyon hindi mo na makikita ulit!), Ang Kapatid Mo!(sa poster lang yan...), Hindi ako Magnanakaw!(Pag nakikita nyo, pag di nyo nakita, LUSOT!) at kung ano ano pang pambobola na kulang na lang ay halikan ang ating mga paa. Madali pong sabihin yan pero mahirap panindigan. Isa lang ang siguradong slogan ng mga pinapalad sa politika pagkatapos ng eleksyon, MADALING LAPITAN, MAHIRAP HANAPIN!
Hindi po biro ang maluklok sa pamahalaan ng tatlo o anim na taon, sa loob ng isang araw lamang marami ng hocus pocus na pwedeng gawin lalo na kung pagkakakitaan. Ayaw natin sa politikong corrupt pero ayaw din natin sa politikong kuripot, ayaw natin sa magnanakaw pero pati ba naman pambili ng kape hinihingi natin sa kanila, gusto natin ng lider na magaling pero mas magaling tayong mag magaling, gusto natin ng pagbabago pero wala naman tayong itinulong sa bansa, puro asa na lamang tayo sa politiko, mayabang tayong mga pinoy pero sa halagang P200 binebenta natin ang kinabukasan ng ating mga anak, gusto natin ng matinong mamumuno sa atin pero hindi tayo pumili ng wasto. Sa Mayo 10 po ay isang pagkakataon para sa pagbabago, magsuri tayong mabuti.
Ako po hindi ko sasayangin ang boto ko, iboboto ko yung lider na magiging magandang ehemplo para sa mga kabataan, marunong magrespeto at may pantay na pagtingin sa mga mamamayan, magbibigay ng hanapbuhay sa mga pilipino, may takot sa Diyos, mapagmahal sa pamilya at itataya ko ang kinabukasan ng aking magiging mga anak sa lider na pipiliin ko. Sana po kayo rin . . . .
Wednesday, May 5, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
Who is your vote next year?
And then election next year again.
Admin, if not okay please remove!
Our facebook group “selfless” is spending this month spreading awareness on prostate cancer & research with a custom t-shirt design. Purchase proceeds will go to cancer.org, as listed on the shirt and shirt design.
www.teespring.com/prostate-cancer-research
Thanks
Post a Comment